-- Advertisements --

TACLOBAN CITY – Dalawang katao ang naitalang patay sa Eastern Visayas dahil sa walang humpay na pag-ulan na dulot ng Tail-End of Frontal System.

Ayon kay Rey Gozon, assistant regional director ng Office of the Civil Defense (OCD)-Region 8 na ang mga biktima ay isang apat na taong gulang na bata mula sa Oras, Eastern Samar; habang patuloy pang tinutukoy ang pagkakakilanlan ng isang biktima na mula sa Northern Samar.

Maliban dito ay nakaligtas naman ang isang lalaki na kinilala na si Remegio Alea matapos na matabunan ng landslide ang kaniyang bahay sa Brgy. Hindang, Borongan, Eastern Samar.

Sa ngayon ay nanatiling lubog sa baha ang karamihan sa mga barangay sa Eastern at Northern Samar at ilan pang mga national highway ang isinara muna dahil sa landslides at flash floods.

Sa bahagi ng Tacloban City, isang simbahan ang gumuho matapos na bumigay ang lupa na kinatatayuan nito.

Habang sa Northern Samar, libu-libong indibidwal pa ang nananatili sa evacuation centers dahil sa mga serye ng pagbaha.

Ayon sa inisyal na assesment ng Northern Samar Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office, umabot sa 20 mga kabahayan at isang boulevard ang na-wash out dahil sa malakas na ulan.

Stranded rin sa ngayon sa pantalan ng Northern Samar ang aabot sa 883 mga pasaheros at 390 rolling cargoes.

Ang masamang panahon na nararamdaman sa Eastern Visayas ay dulot ng Tail-End of Frontal System na sinabayan pa ng “La Nina Phenomenon.”