Patay ang isang miyembro ng New People’s Army (NPA) at isang sundalo matapos magkasagupa sa probinsiya ng Rizal.
Sinasabing plano sanang salakayin ng mga rebelde ang bayan ng Rodriguez.
Bandang alas-3:00 kahapon ng hapon nang maka-engkwentro ng mga sundalo ang rebeldeng grupo sa may Barangay Puray.
Ayon kay 2nd Infantry Division commander, M/Gen. Arnulfo Burgos, posibleng maraming casualties sa hanay ng NPA bunsod na rin sa mga nakitang bakas ng dugo sa encounter site.
Bukod sa nasawing sundalo, may dalawang iba pa ang sugatan at nilalapatan na ito ng lunas sa pinakamalapit na hospital.
Narekober naman ng mga sundalo ang cadaver ng nasawing rebelde.
Nakuha sa kanilang posisyon ang isang M16 rifle, hand grenade, rifle grenade, jungle pack at mga subersibong dokumento ng kalaban.
Nakatanggap kasi ng impormasyon ang mga miyembro ng Philippine Army sa lugar hinggil sa presensiya ng mga armadong katao na planong maglunsad ng pag-atake sa mga sundalo.
Mariing kinondena ni Gen. Burgos ang nasabing aksiyon ng komunistang grupo.
Ayon sa heneral isa itong paglabag sa idineklara nilang ceasefire noong March 26.
Pinuri ng heneral na matagumpay na napigilan ng 18 sundalo ang planong pagsalakay ng mgaNPA.
Nagpaabot din ng pakikiramay si Burgos sa pamilya ng nasawing sundalo.
Siniguro ng heneral mananatili silang nakaalerto para mapigilan ang anumang karahasan na ilunsad ng mga kalaban ng gobyerno.