-- Advertisements --

NAGA CITY – Patay ang dalawang indibidwal matapos ang isinagawang anti-illegal drugs operation sa Sipocot, Camarines Sur.

Kinilala ang mga suspek na sina Bartolome Lawsin, 33, at Ronald Aragon, 32, kapwa residente ng Barangay Tara sa naturang bayan.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Camarines Sur Police Provincial Office (CSPPO), nabatid na aarestuhin na sana ng mga otoridad ang mga suspek ngunit tumakas ang mga ito gamit ang kanilang sasakyan kung kaya agad naman itong hinabol ng mga otoridad.

Dahil din dito, nagkaroon ng palitan ng putok sa pagitan ng mga suspek at mga kinauukulan.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad, nagtamo ng mga tama ng bala ang katawan ng mga suspek na nagresulta ng kanilang kamatayan.

Samantala, agad namang dinala sa Sta. Rita Funeral Homes, San Juan Ave., Barangay North Centro ang mga suspek, habang nasa kustodiya na rin ng mga otoridad ang mga nakumpiskang mga ebidensya para sa karampatang disposisyon.

Sa ngayon, nagpapatuloy pa rin ang imbestigasyon ng mga otoridad hinggil sa insidente.