KORONADAL CITY – Binawian ng buhay ang dalawang mga suspek na target ng magkahiwalay na police operation sa bayan ng Polomolok, South Cotabato matapos umanong kapwa manlaban sa mga otoridad.
Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay P/Maj. Rommel Hitalia, deputy chief of police ng Polomolok Municipal Police Station, unang isinilbi ng operating team ang search warrant sa pamamahay ni Omie Mark Villanueva, 27, pinaniniwalaang suporter ng grupong Dawlah Islamiyah-Soccsksargen Katiba sa Purok 5, Barangay Koronadal Proper, Polomolok.
Natunugan umano ni Villanueva ang presensya ng mga otoridad dahilan upang bumunot ito ng kanyang pistola at pinaputukan ang operating team.
Tinamaan naman ang suspek sa pagganti ng putok ng mga otoridad kung kaya’t agad itong isinugod sa pagamutan subalit binawian ng buhay.
Narekober sa pinangyarihan ng insidente ang isang .38-caliber revolver at dalawang fired cartridge case ng pinaniniwalaang caliber 9mm.
Samantala, sa pangalawang operasyon sa Purok 7, Brgy. Glamang, Polomolok ay nanlaban din umano ang suspek na si Anthony Marquez aka Nonoy Verdida, 51, kaya’t binawian ng buhay.
Dagdag pa ni Hitalia, nahaharap sa kasong paglabag Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2020 ang mga nasawing suspek.