CEBU CITY – Hindi na nagawang makaligtas pa ang dalawang kalalakihan matapos ang nangyaring magkahiwalay na pamamaril kahapon ng umaga, Agosto 2, nitong lungsod ng Cebu.
Nangyari ang unang pamamaril sa Brgy. Tejero Biyernes ng amdaling araw, Agosto 2, kung saan binawian ng buhay ang isang alyas Longlong, 37 anyos matapos nagtamo ng tama ng bala sa kaliwang dibdib, dalawang tama ng bala sa kaliwang tuhod, dalawa sa kaliwang paa, at nasugatan din ang kaliwang kamay.
Inihayag ni PMaj John Lymbert Yango ng Waterfront Police station na nag-ugat ang insidente ng pamamaril sa mainit na pagtatalo ng biktima at ng gunman dahil umano sa isang babae.
Ayon pa, dati na umanong nakulong ang suspek at ang biktima dahil sa iligal na pagsugal at kaso sa ilegal na droga.
Nitong taon lang din umano nakalaya ang biktimang si alyas Longlong habang ay suspek ay noong nakaraang taon.
Samantala, makalipas ang ilang oras ay isa na namang hiwalay na insidente ng pamamaril ang nangyari sa Brgy. Mambaling kung saan binawian ng buhay ang isang 67 anyos na kinilalang si Victor Agillon matapos nagtamo ng maraming tama ng bala sa kanyang dibdib at iba’t ibang bahagi ng katawan nang pagbabarilin ng dalawang gunmen.
Patuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya dito upang matukoy kung ano ang motibo at sino ang nasa likod ng pamamaril.
Hinimok naman ng pulisya ang mga suspek na sumuko sa mga otoridad kasabay ng panawagan sa publiko na magreport sa kanilang tanggapan sa sinumang may impormasyon tungkol sa kinaroroonan ng mga ito.