KORONADAL CITY – Umakyat na sa dalawa ang binawian ng buhay sa malawakang baha sa Maguindanao at North Cotabato matapos na malunod ang isang 1 taong gulang na batang lalaki at isa pang 12 anyos na batang babae.
Kinilala ni MDRRMO Benjamin Alip ng Pagalungan, Maguindanao, ang inanod ng tubig baha na kalauna’y nasawi na si Rohana Tumbaga, Grade 5 pupil at residente ng Sitio Agakan, Barangay Inug-ug sa nabanggit na bayan.
Ayon kay Alip, nakita ni Rohana na nalunod ang kapatid nitong 9-anyos na si Raihana kaya’t iniligtas niya ito at sa kasamaang palad ay siya ang inanod ng tubig-baha.
Una rito, isang taong gulang na batang lalaki ang namatay sa BarangayTalitay, Pikit, North Cotabato matapos na mahulog sa bubong ng kanilang bahay at nalunod sa malalim na tubig-baha dahil sa pag-apaw ng tubig sa Pulangi River.
Sa ngayon daan-daang mga pamilya sa nabanggit na mga bayan ang apektado pa rin ng baha kung saan nasa higit 220,000 libong ektarya ng mga pananim din ang apektado.
Una nang nabigyan ng tulong ang mahigit 200 pamilya sa dalawang barangay sa bayan ng Pikit ngunit nanatili pa ring lubog sa baha ang mga ito.