-- Advertisements --

Nag-iwan ng dalawang patay ang pagsiklab ng sunog sa isang pampasaherong bus sa kahabaan ng Commonwealth, Quezon City ngayong unang Linggo ng 2021.

Sa inisyal na ulat ng Bureau of Fire Protection-Quezon City, ito ay ang konduktorang si Amelene Sembana at isang hindi pa kilalang lalaki.

Ayon sa nagngangalang Valentino Obligasion, 45-anyos na driver ng Fairview Bus na may plate number NAL 6673 at body number 1606, may binuhos ang isang lalaking pasahero sa kaniyang konduktora na naging sanhi ng pagliyab.

Kuwento naman ng pasaherong si Jennifer Lutao, binuhusan ng lalaki ang konduktora ng hinihinalang gas na nakalagay sa isang maliit na bote.

Sa pagtaya ng Metropolitan Manila Development Authority, pasado alas-12:00 ng tanghali naiulat ang pagkasunog na sasakyan sa Pearl Drive Commonwealth.

Idineklara naman itong fire out alas-1:20 ng hapon base kay SF03 Francisco Mabunga ng Central Fire Station-QC.

Sa ngayon ay inaalam pa kung ang hindi pa nakikilalang bangkay ay ang nakaaway ng konduktora.

Sinasabing mabilis na lumaki ang apoy dahil sa dami ng plastic barrier at hindi naging sapat ang fire extinguisher para ito ay maapula.

Nabatid na na nangyari ang insidente habang nasa kasagsagan ng pag-ulan sa buong maghapon.