VIGAN CITY — Nauwi sa disgrasya ang sanay masayang inuman ng mga magkakaibigan sa isang restobar na matatagpuan sa Maynganay Sur, Sta. Maria dahil sa pag-aamok ng isang pulis.
Dead on arrival sa Ilocos District Hospital , Narvacan sina Marcial Antolin at Mak Hanzel Ordonez na 25-anyos, may-asawa, magsasaka at residente ng Brgy. San Pablo, San Esteban dahil sa pamamaril ni PO1 Randy Castro Garnace, 26-anyos, binata at nakadestino sa Drug Enforcement Group ng Navotas City Police Station at residente ng Brgy. San Pablo, San Esteban.
Base sa inisyal na imbestigasyon, palabas na sana sa naturang restobar sina Isagani Calibuso, 44-anyos; Marcial Antolin; Felipe Pineda, 37-anyos; Richard Jacosalem, 24-anyos at si Mark Hanzel Ordonez ng pagbabarilin sila ni Garnace.
Nakatakbo pabalik sa loob ng restobar sina Isagani at Marcial ngunit hinabol sila ng suspek at pinagbabaril kaya natamaan si Raymond Cabanting, 28-anyos, may-asawa, bouncer ng nasabing restobar at residente ng Brgy. Gusing, Sta. Maria.
Boluntaryong sumuko ang suspek na pulis at ang baril na kaniyang ginamit sa pamamaril.
Narekober mula sa pinangyarihan ng insidente ang anim na bala ng cal 9 mm, 13 basyo at isang magasin.
Nasa Ilocos Provincial Hospital-Gabriela Silang sina Richard Jacosalem, Felipe Pineda at Raymond Cabanting habang si Isagani Calibuso ay kasalukuyang ginagamot sa Metro Vigan Cooperative Hospital.