-- Advertisements --

(Update) TUGUEGARAO CITY – Patuloy na nagsasagawa ng imbestigasyon ang mga otoridad kaugnay sa pamamaril ng riding in tandem suspects sa tatlong magkakamag-anak na ikinasawi ng dalawa sa bayan ng Camalaniugan, Cagayan.

Dead on the spot si Robert Tolento at binawian naman ng buhay habang nilalapatan ng lunas sa pagamutan si Arjay Galapia.

Nagtamo naman ng malubhang sugat ang isang Ronald Pascua.

Ang mga biktima ay pawang mga residente ng Buguey, Cagayan.

Sa inisyal na imbestigasyon, sinabi ni Capt. Sharon Mallillin, tagapagsalita ng Cagayan Police Provincial Office, pauwi na sana ang mga biktima mula sa pagdalo sa death anniversary ng kanilang kaanak sa Barangay Cullit at nag-aabang ng masasakyan sa Brgy. Bulala nang pinagbabaril ng mga suspek na sakay ng motorsiklo.

Agad na tumakas ang mga suspek matapos ang pamamaril habang nagtamo ng maraming tama ng bala mula sa ‘di pa matukoy na uri ng baril ang mga biktima.

Inaalam pa ng pulisya ang motibo sa pagpaslang sa mga biktima.