Patay ang dalawang katao sa insidente ng pamamaril sa may bahagi ng Cassanova Drive St., corner Tandang Sora Avenue, Barangay Culiat, Quezon City kaninang alas-7:00 ng umaga.
Nakilala ang dalawang biktima na sina Dr. Roland Luyun Cortes, 61, ang chief ng National Center for Mental Health at kanyang driver na si Ernesto Ponce Dela Cruz.
Batay sa report ng Quezon City Police District Police Station 3, nakita ang patay na katawan ng dalawang lalaki sa loob ng pulang Toyota Vios.
Nagtamo ng gunshot wounds sa kanilang katawan ang mga biktima.
Sa inisyal na imbestigasyon ng PNP, riding-in-tandem ang suspek sa pamamaril sa dalawa.
Ayon kay QCPD Station 3 chief police Lt. Col. Benjamin Gabriel patuloy pa nilang iniimbestigahan ang krimen lalo na kung sino ang nasa likod at ang motibo nito.
Kamakailan lamang ay nagkaroon ng kontrobersya sa loob ng premier mental health institution ng bansa.