-- Advertisements --

CAGAYAN DE ORO CITY – Nadurog ang ilang bahagi ng katawan ng dalawang motorista matapos mabangga at maipit ng isang truck na puno ng kargang sugarcane sa may P-10A, San Miguel, Maramag, Bukidnon.

Dead on the spot dahil sa lakas ng impact ang mga biktima na sina Nelvin Batingal (menor de edad na drayber) at backride nito na si Rodolfo Oberes Descotido, 32, kapwa nakatira sa P-10B, San Miguel, Maramag, Bukidnon.

Ayon kay Maramag MPS commander Lt Col. Casan Ali, nangyari ang madugong aksidente nang paliko sa makurbang daan at nagkasalubong ang motorsiklo at truck na minamaneho ni Joney Boy Caburnay Timogan, 48, may asawa, at residente sa Poblacion, Pangantucan, Bukidnon na pawang nanggaling sa magkasalungat na direksyon.

Dahil sa lakas ng impact, hindi na nagawang nailigtas pa ang buhay ng dalawang motorista na naipit sa gulong ng malaking truck.

Nakakulong na ang drayber at nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting to multiple homicide at damage of property.