LA UNION – Dead on arrival sa pagamutan ang dalawang katao matapos masangkot sa salpukan ang isang elf freezer van at isang truck sa national highway ng Brgy. Tubod, Sto. Tomas, La Union, kaninang alas-4:00 ng madaling araw, June 3.
Kinilala ng mga otoridad ang mga nasawi na sina Ruiz Heartzell na nagmaneho ng Elf freezer van, 27-anyos at kanyang pahinante na si Mauricio Barawel, 26-anyos, pawang mga residente ng Quezon City habang nakilala rin ang driver ng truck na si Arnold Busa ng Surigao City.
Sa panayam ng Bombo Radyo La Union kay Pmaj. Ariel Saltin, hepe ng Sto. Tomas Police Station, patungo ng timog na direksyon ang truck habang tinatahak ng elf van ang hilagang direksyon ng kalsada nang umagaw umano ng linya ang pangalawa kasunod ng pagsalpok sa una.
Samantala, patungo sana sa lalawigan ng Ilocos Norte ang Elf freezer van upang mag-deliver habang patungong naman sa Manila ang truck nang mangyari ang insidente.
Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng mga otoridad sa pangyayari.