-- Advertisements --
SUNOG SA JASAAN 2

CAGAYAN DE ORO CITY – Patay ang isang lolo at kanyang apo matapos na tinupok ng apoy ang humigit kumulang 100 mga bahay sa San Antonio, Jasaan, Misamis Oriental kagabi.

Kinilala ang mga nasawi na sina Simplecio Pasaje, 63, at ang apo nito na si Julianne Mae Torres, 8.

Aniya, sinubukan pang bumalik sa nasusunog na bahay ang lolo upang iligtas ang apo ngunit nakulong sa kanilang banyo kaya’t nagresulta sa kanilang pagkasawi.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cagayan de Oro kay SF03 Edcel Salvaña, hepe ng Jasaan Fire Station, sinabi nito na naging pahirapan ang pag-apula sa apoy dahil sa kitid ng daan at dikit-dikit na mga bahay.

Umabot sa ikaapat na alarma ang sunog na nagsimula alas-3:40 ng hapon at naapula dakong alas-8:15 ng gabi.

Sa ngayon ay patuloy pang inaalam ng BFP ang sanhi ng sunog.