Ni-relieve o tinanggal na sa pwesto ang 2 pulis na nakatalaga sa Philippine National Police Drug Enforcement Group (PDEG) sa gitna ng muling paggulong ng imbestigasyon sa pagpatay sa retiradong police general at dating Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) board secretary na si Wesley Barayuga.
Sa press briefing sa Camp Crame, sinabi ni PNP spokesperson Col. Jean Fajardo na naglabas na ng relief order kina PLt. Col. Santie Mendoza at Col. Hector Grijaldo noong Biyernes, Setyembre 27.
Ito ay para na rin matiyak ang seguridad ng mga ito kasunod ng kanilang mga naging rebelasyon sa pagdinig sa House Quad Committee.
Ayon kay Col. Fajardo, isinagawa ang naturang order matapos ipag-utos ni PNP chief Gen. Rommel Francisco Marbil sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) na pamunuan ang muling pagsisiyasat para muling suriin ang lahat ng ebidensya at makipagtulungan sa iba pang ahensya upang matiyak na maging masinsinan, walang kinikilingan, at transparent ang proseso ng imbestigasyon.
Aniya, gagawa ng backtracking ang CIDG at tutukuyin kung may kapabayaan at pagtatakip sa panig ng mga imbestigador ng pulisya na humawak sa kaso.
Una rito, sa pagdinig noong nakaraang linggo ng House Quad Committee (QuadComm), idinawit ni Mendoza si dating PCSO general manager Royina Garma sa 2020 assassination kay Barayuga sa Mandaluyong City.
Isinalaysay din ni Mendoza na tinawagan siya ni National Police Commission Commissioner Edilberto Leonardo noong Oktubre 2019 at sinabing si Barayuga ay isang high-value target dahil sa umano’y kanyang kaugnayan sa iligal na droga.
Sinabi din ni Mendoza na nakumbinsi siya ni Leonardo na kausapin ang police informant na si Nelson Mariano at alamin kung makakahanap siya ng makakapatay kay Barayuga.
Isiniwala din ni Mendoza na kumuha si Mariano ng isang nagngangalang “Loloy” para isagawa ang pagpaslang kaya Barayuga sa Mandaluyong city noong July 30, 2020.
Samantala, si Grijaldo naman ang nakaupong chief of police ng Mandaluyong City nang mapatay si Barayuga.