-- Advertisements --

Arestado ang dalawang pekeng dentista sa dalawang separadong entrapment operations ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG).

Ang mga arestado ay sina Andrea Besquillo,23, residente ng Brgy. Maya, Balasan, Iloilo, at Adrian Lopez, 23, residente ng Tabuc Suba, Jaro ngunit nag-ooperate sa Barangay Rizal Estanzuela, Iloilo City Proper.

Sa interview sang Bombo Radyo kay Police Major Jess Baylon, chief ng Regional Special Operations Unit ng CIDG Region VI at chief ng CIDG – Iloilo City Field Unit, sinabi nito na hindi rehistradong dentista o dental hygienists ang dalawa ngunit naglalagay ng braces sa kanilang mga kustomer.

Ang babaeng arestado ay mayroong mini-clinic sa kanilang lugar sa Balasan, Iloilo.

Ang lalaki naman ay pumupwesto lang sa barung-barong sa Rizal Estanzuela at pinapaupo lang nito sa silya ang kanyang kustomer at walang sinusunod na protocol at hindi rin sanitized ang lugar.

China-made din ang karamihan sa mga equipment na nakumpiska.

Nasa P5,000 hanggang P10,000 lamang ang kanilang singil sa kustomer.

Nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9484 o Philippine Dental Act of 2000 ang mga arestado.