-- Advertisements --

GENERAL SANTOS CITY – Natukoy na ng mga otoridad ang dalawang itinurong persons of interest sa pagpatay kay Justine Fernandez Jancinal, 26-anyos, isang cowboy mula sa Brgy. San Isidro sa lungsod ng General Santos.

Ito ay matapos mahuli sina Daniel James Mahaling at Giovanni Cortes.

Sinabi ni Police Major Robert Fores,Chief of Police ng Makar Police Station na bahagyang naantala ang kanilang pagbalik sa lungsod dahil kinausap pa niya sina Cortes at Mahaling tungkol sa pagpatay kay Jancinal.

Matatandaang nanawagan si PMaj. Fores sa Bombo Radyo Gensan na lumabas na ang dalawa at nangako pa itong bawasan ang kasong kakaharapin at nangako ring hindi sasaktan ang mga ito.

Ngunit kung magpupumilit ang mga ito ay sasampahan ng kasong murder.

Nabatid na nagdeactivate si Mahaling ng kanyang Facebook account pagkatapos ng krimen habang active naman ang kay Cortes.

Batay sa imbestigasyon, lumabas na nagtanim umano ng galit sina Cortes at Mahaling sa biktima dahil sa hindi paghati nito sa kita ng baka at hindi pagbigay sa kanilang bigas na ibinigay ng kanilang amo.

Matatandaang tadtad ng saksak sa katawan ng biktima ng matagpuan na sanhi ng pagkamatay nito.