LAOAG CITY – Sinabi ni Major Bryan Albano, ang Civil Military Operations Officer ng 501st Infantry Valiant Brigade ng Philippine Army, dalawang personalidad ang kanilang binabantayan na posibleng nasa likod ng bakbakan sa pagitan ng Ilocos-Cordillera Regional Committee at 50th Infantry Batallion.
Ayon sa kanya, nagsimulang magpalitan ng putok ang dalawang grupo dakong alas-11:50 ng gabi sa Brgy. Nagcanasan, Pilar, Abra.
Aniya, patuloy pa ring ginagamot si Corporal Markson Tadeo ng 50th Infantry Batallion, tubong Pilar, Abra dahil sa mga sugat na natamo sa kanyang braso.
Paliwanag niya, 21 kabahayan at 84 na indibidwal ang inilikas sa Evacuation Center upang maiwasang maipit sa sigalot ng dalawang grupo.
Hindi aniya nila papayagang makauwi ang mga ito hangga’t hindi nasisiguro ang kanilang kaligtasan laban sa mga armadong grupo.
Binanggit ni Major Albano na nakatanggap na ng tulong ang mga residente mula sa Philippine Red Cross.
Pipigilan aniya nilang makabalik ang mga miyembro ng Ilocos-Cordillera Regional Committee para walang maapektuhan at masugatan.
Dagdag pa niya, dati na nilang namonitor ang grupo sa hilagang Abra at Kalinga kung saan sinubukan nilang pumasok sa probinsiya ngunit nabigo.
Samantala, nasi ng makakaliwang grupo ang pagpasok sa lalawigan ng Ilocos Sur para mabawi ang mga lumang armas na kanilang naiwan sa lugar.