BAGUIO CITY – Tinitingnan na ngayon ng mga otoridad ang dalawang indibidwal bilang persons of interest sa pamamaril sa American-Chinese national na human rights advocate at journalist sa lalawigan ng Ifugao noong Lunes, Agosto 5.
Ayon kay P/Col. Madeline Bazar, deputy director for operations ng Cordillera PNP, patuloy ang pagkalap ng provincial special investigation task group ng mga impormasyon na magreresulta sa pagkakatukoy at paghuli sa mga suspek.
Una nang nakilala ang biktima na si Brandon Lee, 37-anyos, residente ng Lagawe, Ifugao at nagsisilbing paralegal volunteer ng Ifugao Peasant Movement at writer ng isang online news website sa Hilagang Luzon.
Sinabi ni Bazar na nakatanggap ang mga pulis ng impormasyon ukol sa umano’y presensya ng dalawang indibiduwal malapit sa pinangyarihan ng krimen bago pa ang pamamaril.
Aniya, naghahanap pa sila ng karagdagang video footages mula sa mga CCTV cameras sa nasabing lugar na makakatulong sa imbestigasyon maliban pa sa mga nakausap na nilang mga testigo.
Hinihintay na rin ng task force ang resulta ng ballistic examination sa baril na nagamit sa krimen.
Dinagdag niya na posibleng dalawang beses na nabaril ang biktima batay na rin sa initial findings ng mga doktor.
Tiniyak din niya na mapaparusahan ang sinumang mapatunayang gumawa sa krimen kahit na wala silang itinakdang deadline kung kailan dapat malutas ang kaso.
Itinuturo naman ng Cordillera Human Rights Alliance ang state security forces, partikular ang militar bilang utak sa nasabing krimen.
Gayunman, mahigpit itong pinabulaanan ni Lt. Col. Narciso Nabulneg Jr., commanding officer ng 54th Infantry Battalion, Philippine Army kung saan iginiit niya na partner nila si Lee at ang nasabing grupo sa pagsusulong ng karapatan at pag-unlad ng mga magsasaka sa Ifugao.
Sinabi naman ni MGen. Pablo Lorenzo, commander ng 5th Infantry Division, Philippine Army na hindi maaaring balewalain ang posibilidad na ang mga rebeldeng New People’s Army ang utak sa pamamaril at ibinibintang lamang sa militar para pag-alsahin ang mga mamamayan ng Ifugao laban sa pamahalaan.