Iniulat ng Department of Migrant Workers na nasa ligtas nang kondisyon ngayon ang dalawang Pinoy na nasugatan sa sumiklab na sunog sa Kowloon district sa Hong Kong kamakailan lang.
Ayon kay DMW officer-in-charge Hans Leo Cacdac, nagtamo ng minor injuries ang naturang mga Pinoy mula sa nangyaring insidente kung saan isa sa kanila ay nasugatan ng bubog, habang ang isa pa ay nakaranas ng minor smoke inhalation.
Aniya, pareho nang nasa magandang kondisyon ngayon ang dalawa kung saan isa sa kanila ay nakalabas na sa ospital, habang ang isa pa ay inaasahan din na madi-discharge na ngayong araw.
Samantala, sa ngayon ay patuloy na nakikipag-ugnayan ang DMW sa tanggapan ng Philippine Consulate General para naman sa pagpapaabot ng tulong sa naturang mga Pilipino.
Matatandaan na batay sa inisyal na ulat, limang indibidwal ang nasawi habang 35 naman ang sugatan sa sumiklab na sunog sa isang 16 na palapag na residential building sa Kowloon District sa Hong Kong.