Nasa maayos at ligtas na ang kalagayan ng dalawang sugatang piloto matapos bumagsak ang sinasakyang two-seater Cessna 152 aircraft sa isang bakanteng lote sa Barangay Agnaya sa bayan ng Plaridel sa Bulacan.
Ayon kay Lt. Col. Jesus Manalo, Plaridel police chief, ang nasabing aircraft ay pag-aari ng Precision Flight Control Philippines na matatagpuan sa Barangay Lumangbayan.
Ang nasabing aircraft ay pinalipad ni Capt. Paul Jemuel Gayanes at co-pilot nito na si Lebon Eisen Sandoval, kapwa 26-anyos.
Ayon kay Manalo, nag-take-off sa Plaridel Airport ang nasabing aircraft patungong south ng bumagsak ito bandang alas-8:30 kaninang umaga matapos tumama ang pakpak nito sa puno ng acacia.
Hindi naman nagtamo ng serious injury ang dalawang piloto na agad isinugod sa La Consolacion General Hospital sa Plaridel.
Kasalukuyang iniimbestigahan na ng mga tauhan ng Bureau of Fire Protection ang nasabing insidente.
Ang Plaridel airport ay ginagamit bilang airstrip ng iba’t ibang flying schools na siyang nagte-train ng mga Filipino at foreign student pilots.
Ang Cessna 152 ay isang American two-seat, fixed tricycle gear general aviation airplane, na primarily ginagamit para sa flight trainings at personal use.
Sa ngayon ligtas na at nasa maayos na ang kalagayan ng pilot instructor at estudyante nito.