Eksakto alas tres ng hapon ngayong araw, March 08, 2025 lumapag ang C-130 aircraft sa Villamor Airbase, sakay nito ang labi ng mga nasawing piloto ng FA-50 fighter jet na sina Major Jude Salang-Oy at First Lt. April John Dadulla.
Nang maibaba na ang labi ng mga ito sa aircraft agad naman itong ginawaran ng arrival honors at parangal ng Philippine Air Force (PAF).
Pinangunahan ito nila DND Secretary Gilberto Teodoro Jr., Special Assistant to the President Secretary Antonio Lagdameo Jr., AFP Chief of Staff General Romeo Brawner Jr., at ilan pang matataas na opisyal ng PAF.
Ayon kay PAF spokesperson Col. Consuelo Castillo, ang natanggap na parangal ng dalawang nasawing piloto ay Distinguish Aviation Cross. Ito raw ang pinakamataas na parangal na iginagawad sa miyebro ng PAF na nagsagawa ng natatanging serbisyo at nagpakita ng katapangan, dedikasyon, at husay sa kanilang tungkulin.
Ayon pa kay Col. Castillo magkakaroon ng vigil sa Villamor Airbase. Hindi pa raw tiyak kung hanggang kailan mananatili ang labi ng mga piloto dito sa Pasay pero plano raw itong ilipat sa Basa Air Base sa Pampanga para makasama ng kapwa nila fighter pilots hanggang Martes ng gabi.
Sa Miyerkules, iuuwi na raw ang labi ng mga piloto sa kani-kanilang bayan.
Samantala, kabilang din sa mga nag-abang kanina ang mga kapamilya at malalapit na kaibigan ng mga nasawing piloto.
Tumanggi ang pamilya na magpaunlak ng panayam, at ayon pa kay Col. Castillo, nakiusap din ang pamilya na igalang ang kanilang privacy sa isasagawang vigil sa Villamor Airbase.