KORONADAL CITY- Kapwa nasa drug watch list ang dalawang pinatay sa magkasunod na shooting incident kaninang umaga sa lungsod ng Koronadal.
Ito ang inihayag ni Police Lt. Analiza Domingo ng Koronadal City PNP sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal.
Ayon kay Domingo, pinag-aaralan na sa ngayon ang mga CCTV footages na makakatulong sa imbestigasyon ng mga otoridad upang matukoy ang mga suspek.
Unang nangyari ang pamamaril ng riding in tandem suspects pasado alas-6:00 ng umaga ng Huwebes sa Purok Everlasting, Barangay Avanceña , Koronadal City kung saan dead on the spot ang biktimang si Samuel Guanzon, 43-anyos, isang tricycle driver at residente ng nasabing lugar.
Ito ay sinundan ng isa pang insidente ng pamamaril sa General Santos Drive, Purok Bagong Samahan, Barangay Zone I, Koronadal City kung saan nakilala ang biktima na si Joel Agustin, 59, isa ding tricycle driver at residente ng Purok Sentro 2, Barangay Morales nitong lungsod.
Dagdag pa ng opisyal, parehong caliber 45 ang ginamit ng riding in tandem suspects sa magkasunod na pamamaril ngunit hindi pa umano matukoy ng pulisya kung may kaugnayan ang dalawang insidente.
Hindi naman maikakaila na pawang sumuko na ang mga ito matapos masangkot sa illegal na droga.
Ngunit, titingnan pa rin ng pulisya ang ibang anggulo sa nangyaring pamamaslang ng hindi pa matukoy na mga suspek.
Sa ngayon, nananawagan ang pulisya sa sinumang testigo na makapagtuturo sa mga suspek na makipagtulungan sa kanilang upang mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ng mga biktima.