Naharang ng Bureau of Immigration (BI) ang dalawang Pinay sa may Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sa lungsod ng Pasay.
Ayon kay Commissioner Norman Tansingco, pasakay na noon ang dalawang Pinay sa Cebu Pacific flight patungong Dubai sa may NAIA Terminal 3 noong Abril 19 subalit nabigong pumasa ng mga ito sa primary inspection ng Bureau.
Ang mga biktimang hindi na pinangalanan para sa kanilang proteksyon ay nagpapanggap bilang mga turista subalit umamin din kalaunan ang mga ito na papunta sila ng ibang bansa para magtrabaho bilang kasambahay.
Sinabi pa ni Tansingco na ayon sa mga ito, nakilala nila ang traffickers sa isang fast food restaurant at inutusan silang sumailalim sa immigration clearance na may hawak na stamped passport at boarding passes bago magtungo sa departure area.
Sinabihan ang mga biktima na mag-antay ng escort subalit nang makarating doon ang mga biktima hindi na nila matawagan pa ang mga nagbigay sa kanila ng mga pasaporte.
Nalaman umano ng mga biktima ang job opening mula sa nagngangalang Regine at Onday na nakilala nila sa isang online platform.
Na-turn over na ang mga biktima sa kustodiya ng Inter-Agency Against Trafficking para sa matulungan ang mga ito na makapaghain ng kaso laban sa kanilang illegal recruiters.
Muli namang nagpaalala ang BI sa publiko na maging maingat laban sa illegal online recruitment.