-- Advertisements --
image 502

Patuloy ngayon ang imbestigasyon ng Bureau of Immigration (BI) officers sa mga sindikatong nasa likod ng pagkakaharang sa dalawang Pinay na patungong Africa na naharang sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Hinarang ang mga ito matapos paghinalaang human trafficking victims.

Sinabi ni BI Commissioner Norman Tansingco, ang dalawang Pinay ay naharang sa NAIA Terminal 1 matapos tangkaing sumakay ng flight patungong Kuala Lumpur.

Kalaunan daw ay inamin din ng mga pasahero na gagamitin nilang transit point ang Malaysia at ang kanilang final destination ay sa Democratic Republic of Congo sa Central Africa.

Hinihinalang iligal daw na na-hire ang dalawang Pinay bilang household workers ng kapwa Filipina na nagsisilbing “mayordoma” ng mayamang pamilya sa Congo.

Dahil dito, muling nagbabala si Tansingco sa mga miyembro ng human trafficking syndicates na hindi raw uubra ang kanilang mga modus na pagpapadala ng mga biktima sa ibayong dagat.