Dalawang Pinay na ni-recruit ng isang hinihinalang African drug syndicate upang maging drug mule ang nailigtas sa Malaysia, ayon sa National Bureau of Investigation (NBI).
Ipinahayag ni NBI Director Jaime Santiago ang matagumpay na operasyon ng pagsagip sa dalawang babae, na hindi pinangalanan at nari-repatriate noong Pebrero 5 matapos ang isang joint operation kasama ang mga awtoridad sa Malaysia.
Ayon kay Santiago, inaresto ng Malaysian police ang isang babaeng courier mula sa Africa at nakuha mula sa kanya ang 2.3 kilograms ng cocaine. Nangyari ang pag-aresto bago pa maipadala ang mga ilegal na droga sa mga Filipina.
Binigyang diin ni Santiago, na upang mapanagot ang mga suspek ay nakikipagtulungan ngayon aniya ang dalawang nahuling Pilipina para ng sagayon aniya ay ma-identify ang sindikato.
Ibinida ng ahensya na ang operasyon ay resulta ng patuloy na imbestigasyon ng NBI tungkol sa isang naunang pag-aresto sa Pasay City, kung saan isang drug courier ang nahuli noong Enero.
Dagdag pa ni Santiago na binigyan ng prayoridad ng NBI ang pagsagip sa dalawang Pinay upang maiwasan ang nangyaring insidente katulad ng kaso ni Mary Jane Veloso, kung saan isang Filipina rin ang nahatulan ng kamatayan noong 2010 dahil sa pag-smuggle ng heroin sa Indonesia.