CAUAYAN CITY – Dalawang Filipino nurse ang namatay matapos madamay sa nagaganap na civil war sa Tripoli, Libya.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Levi Bermudez, isang overseas Filipino workers (OFW) sa Libya, sinabi niya na ang dalawang Pinoy nurse na namatay ay mga babae at nadamay lamang sa bakbakan na malapit sa Tripoli.
Aniya, hindi nila alam kung nasaan ang dalawa nang sila ay masawi subalit may dalawang ospital at ilang establisyemento sa Tripoli ang nadamay sa nangyaring pambobomba at maaring naroon ang dalawa.
Ayon kay Bermudez, may mga na-repatriate na OFWs na mula sa mga bansang Tunisia, Algeria, at Libya at kasama na ang mga labi ng dalawang namatay na Pinoy nurse.
Dalawang daan tatlumpong Pinoy ang mula sa Tunisia at Algeria habang 90 naman ang mula sa Tripoli, Libya.
Lahat sila ay sumailalim sa test bago sumakay ng eroplano at karamihan din sa kanila ay construction workers.