Ibinahagi ng 2 overseas Filipino workers na nakaligtas mula sa pag-atake ng grupong Hamas sa israel noong Oktubre 7 ang kanilang sinapit sa kanilang pakikipagkita kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Sa isang statement, kinumpirma ni Communication Sec. Cheloy Garafil na nakipagkita si Pang. Marcos sa ofws na sina Jimmy Pacheco at Camille Jesalva na inalala ang pagsubok na kanilang pinagdaanan sa kamay ng militanteng Hamas.
Ayon kay Sec. Garafil, ibinahagi ni Pacheco kay Pangulong Marcos kung paano nilusob ng mga miyembro ng grupong Hamas ang Kibbutz at kinitil ang kanyang pasyenteng Israeli.
Ikwinento din ni Pacheco sa Pangulo ang kaniyang naging kalagayan habang bihag ng Hamas kasama ang iba pang Israelis at kung paano sila inilipat mula sa isang tunnel patungo sa iba pang tunnel para maiwasan ang tropang sundalo ng Israel sa gitna ng matinding pambobomba.
Pagbabahagi pa nito na nagawa niyang maka-survive sa pamamagitan ng pagkain ng kakarampot na rasyon ng dates at tubig sa loob ng mahigit 40 araw na pagkakabihag sa kaniya.
Si Pacheco nga ay isang caregiver sa Israel na kabilang sa mga dinukot ng Hamas noong Oct. 7 attack at pinalaya sa unang kasunduan sa tigil putukan matapos ang 50 na pagkakabihag sa kamay ng Hamas sa Gaza at nakauwi sa Pilipinas noong Disyembre 18.
Samantala, si Jesalva naman ay hinangaan ng publiko dahil sa kaniyang katapangan, dedikasyon at katapatan nang tumanggi itong iwanan ang kanyang 95 anyos na pasyente na si Nitza Hefetz sa kasagsagan ng pagsalakay ng militanteng Hamas.
Ayon kay Sec. Garafil, si Jesalva at kanyang pasyente ay naninirahan sa Nirim Kibbuts sa Gaza-Israel border na inatake ng Hamas kung saan ilang mga militante ang pumasok sa kanilang bahay at ninakawan ng pera ang Ofw na si Jesalva na kaniya sanang gagamitin para sa kanyang planong bakasyon dito sa Pilipinas.
Sa kabutihang palad ay nasalba siya kasama ng kanyang employer ng mga rumispondeng tropa mula sa Israel defense forces sa parehong araw na umatake ang Hamas.
Pinasalamatan din ni Jesalva si Pang. Marcos sa kaniyang naging patnubay nito sa kanilang pagkikita sa Malacanang.
Samantala, Ikinalugod din ni Pangulong Marcos ang ligtas na pag-uwi sa bansa nina Pacheco at Jesalva.