Nahaharap ang 2 Pilipino na umano’y konektado sa ni-raid na leisure resort ng pinaniniwalaang Chinese executives ng POGO sa Porac, Pampanga kaugnay sa nadiskubreng ilegal na operasyon ng indoor firing range.
Ito ay sina Daniel Salcedo Jr. at Chona Alejandre na nauna ng dinala sa kustodiya ng pulisya na nakalista umano bilang incorporators ng kompaniyang nagpaupa sa Lucky South 99 Corporation sa Porac.
Nauna ng dinala ang mga ito ng provincial police sa provincial prosecutor’s office para sa inquest proceedings noong Linggo subalit nagpasya si Associate Provincial Prosecutor Alexander Lopez na palayain ang 2 dahil sa kawalan ng sinumpaang salaysay ng mga biktima ng human trafficking.
Kayat sa halip, mahaharap ang mga ito sa kaso sa pamamagitan ng regular filing para sa ilegal na operasyon ng indoor firing range sa ni-raid na 2 ektaryang high-end leisure resort sa Barangay Señora, sa Porac.
Ang naturang indoor firing range ay nadiskubre sa ikinasang search warrant sa 2 indibdiwal kung saan isa dito ay Chinese national na nagpapatakbo ng Lucky South 99 Corp.
Subalit wala sa naturang property ang mga executive nang isagawa ang raid subalit natagpuan doon ang 2 Pinoy.
Sa panayam naman sa 2 Pinoy, sinabi ng mga ito na pawang mga empleyado lamang sila na nagtratrabaho para sa Whirlwind Corporation sa nakalipas na 3 o 4 na taon.
Ayon naman sa Central Luzon regional police, hindi sila nag-isyu ng permit sa naturang pasilidad.
Sinabi naman ni Police Col. Jay Dimaandal, Pampanga’s provincial police director na ang naturang firing range ay gawa sa konkeretong materyales at may electronic control para sa pistol at rifle shooting kaya hidni gaanong dinig ang ingay sa labas.
Saad pa ni Dimaandal maging ang PNP ay walang ganitong pasilidad.
Samantala, ang unang subject naman ng ikinasang search warrant na si Katherine Cassandra Li Ong ay hindi natagpuan sa resort. Si Ong ay nakalista bilang incorporator ng Whirlwindf Corporation at napaulat na kasintahan ng kapatid na lalaki ni Bamban Mayor Alice Guo.
Ang ikalawan subject naman ng search warrant na si Gheric Pagcu Manaloto ay nagtungio kay Pampanga Gov. Dennis Pineda kahapon para humingi ng tulong para linisin ang kaniyang pangalan.
Sinabi ni Manaloto na ibinenta na niya ang 2.5 na ektaryang property sa Whirlwind noon pang 2019.
Pinayuhan naman siya ng Gobernador na magsumite ng affidavit at true copy ng deed of sale.