Iniulat ng Philippine Consulate General (PCG) sa Milan ang pagkaka-aresto ng dalawang Pinoy sa Italy dahil sa umano’y pagkakasangkot ng dalawa sa drug trafficking.
Batay sa report ng PCG, ang dalawang Pinoy ay sangkot umano sa pagbili at pagbebenta ng shabu sa naturang bansa.
Ayon sa konsulada, sasamahan ng dalawa ang iba pang mga Pilipino na una nang naaresto sa naturang bansa dahil sa pagkakasangkot din sa umano’y kalakalan ng iligal na droga.
Hindi na pinangalanan ng konsulada ang dalawang Pilipino ngunit binalaan ang mga Pinoy na sundin ang mga batas sa Italy.
Pinapaiwas din ng konsulada ang mga Pinoy sa paggawa ng mga ipinagbabawal na bagay upang hindi masira o mabahiran ang imahe ng mga Pilipinong marangal na nagtatrabaho roon.
Nakasaad pa sa pahayag ng konsulada na hindi dapat sundan ng iba pang Pinoy ang halimbawang ginawa ng mga Pilipinong una nang naaresto sa naturang bansa dahil sa iba’t-ibang mga paglabag.
Bago nito ay pinaalalahanan din ng konsulada ang mga Pilipino laban sa hindi makatwirang paggamit ng mga pampublikong parke matapos masita ang ilang Pinoy na umano’y nagsasagawa ng gambling at drinking activities sa Parco Bande Nere, isang parke sa Milan.