-- Advertisements --

TOLEDO CITY – Sinampahan na ng National Bureau of Investigation-7 ng kasong administratibo at murder noong Pebrero 5, ang dalawang pulis ng Toledo City Police station sa Toledo City, Cebu dahil sa umano’y pambubugbog sa isang lalaki na nagresulta sa pagkamatay nito.

Nakilala ang mga ito na sina Patrolman Raymond Manipis at Police Master Sergeant Sepjanrey Roda habang ang biktimang 56 anyos ay kinilalang si Elesio Rosento.

Inihayag ni NBI-7 Director Atty. Rennan Augustus Oliva na nangyari pa ang pambubugbog Agosto 26 noong nkaraang taon sa dalawang magkaibang lugar batay sa nakasaksi.

Aniya, naghain ng reklamo sa kanilang tanggapan Setyembre 19, noong nakaraang taon ang kapatid ni Rosento at humiling na imbestigahan ang pagkamatay ng biktima.

Sa kanilang imbestigasyon, nagresulta pa ito ng kanilang pagsampa ng criminal at administrative charges noong Pebrero 5 laban sa dalawang pulis.

Sa autopsy na isinagawa ng ahensya, sinabi ni Oliva na ipinapakita na ang sanhi ng pagkamatay ni Rosento ay blunt force trauma resulting to traumatic head injury.

Dagdag pa, may mga nakasaksi umano sa pambubugbog na ginawa ng dalawang pulis na ngayon ay nasa ilalim na ng witness protection program.

Samantala, nakikipag-ugnayan na ngayon ang ahensya sa Police Regional Office-7 at ipapaubaya na nito ang pagsagawa ng karagdagang aksyon laban sa mga pulis hinggil sa kasong ito.