-- Advertisements --
Screenshot 2020 06 20 15 34 52

CEBU CITY – Isinailalim ngayon sa lockdown ang dalawang opisina ng Cebu City Police Office (CCPO) sa Camp Sotero Cabahug matapos umabot sa 25 police personnel ang nagpositibo sa coronavirus disease (COVID-19) sa isinagawang rapid test.

Ayon kay Officer-in-charge ng CCPO Col. Cydric Earl Tamayo na kabilang dito ang kanyang opisina sa City Director’s Office at ang Operations Division.

Ayon pa kay Tamayo, hindi bababa sa 14 na mga personnel sa nabanggit na mga opisina ang naka-isolate ngayon sa second floor ng CCPO building kabilang ito at hindi muna sila pinapayagang makalabas at makauwi sa kani-kanilang bahay.

Sinimulan na ring isagawa ang contact tracing at agad namang inilagay sa isolation center ang 25 nagpositibo habang ang iba’y naka home quarantine.

Kung maaalala, base sa ulat ng Police Regional Office Region 8 (PRO-8), umabot sa 81 na mga pulis sa lalawigan ng Cebu ang nadapuan ng COVID-19 habang dalawa naman nito sa lungsod ng Cebu ang namatay dahil sa virus.

Inamin pa ni Tamayo na nagkulang sila sa personnel ng CCPO ngunit nangako naman itong patuloy pa rin sa kani-kanilang trabaho ang mga naka-isolate na pulis.