-- Advertisements --

Isasailalim ng Philippine National Police (PNP) sa debriefing at counselling ang pinalayang dalawang policewomen na bihag ng mga bandidong Abu Sayyaf sa probinsiya ng Sulu.

Ayon kay PNP chief Oscar Albayalde, layon nitong mabatid kung ano ang nangyari kina PO1 Dinah Gumahad at PO2 Benierose Alvarez habang sila’y nasa kamay ng kanilang mga abductors.

Giit ni Albayalde, mahalagang isailalim sa tactical debriefing ang dalawa para matukoy kung sino ang dumukot sa mga ito.

Naniniwala rin si Albayalde na posibleng dahil malapit na ang panahon ng Ramadan kung kaya pinalaya ang dalawang bihag na pulis.

Isa din aniya sa mga tinitingnang rason ni Albayalde ay ang pressure sa mga inilulunsad na military operations ng AFP sa Sulu laban sa mga Abu Sayyaf.

Nabatid na mga tauhan ni dating Sulu Gov. Sakur Tan ang sumundo sa dalawang pulis at dinala ang mga ito sa bahay ng gobernador kung saan ipapasakamay ang mga ito sa police provincial director ng probinsya.

Ibibiyahe patungong Zamboanga City ang dalawang pulis.

Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo, unang pinalaya noong Martes sa may bahagi ng Maimbung, Sulu si Gumahad at nitong umaga ng Miyerkules naman si Alvarez.

Hindi naman masabi ng PNP kung may ransom na ibinayad kapalit sa kanilang kalayaan.

Una nang sinabi ni Albayalde na nilakad ng PNP Anti-Kidnapping Group ang paglaya sa dalawang kabaro nila sa pakikipagtulungan ng local government officials ng Sulu, partikular si Tan.

“Continous naman ‘yung ginagawa natin offensives doon, including the military kaya siguro isa pa rin kaya binitawan na rin sila is because of the pressure na ginagawa ng military at PNP dahil continuous pag-ooperate sa kanila at dito malalaman natin kung ilan ang grupo at kung sino mga grupo na ito although we have a suspect group, ‘yung Ajang Ajang group at dito ma-confirm kung sila talaga kumuha sa kanila,” pahayag ni Albayalde.