LEGAZPI CITY – Kinumpirma ni Legazpi City Mayor Noel Rosal na may dalawang Patient Under Investigation (PUI) sa Albay kaugnay ng banta ng coronavirus disease (COVID 19).
Nabatid na may travel history ang mga ito sa Saudi Arabia at nananatili ngayon sa Bicol Regional Training and Teaching Hospital (BRTTH).
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Rosal, inoobserbahan ang lagay ng dalawa matapos na makitaan ng sintomas na iniuugnay sa COVID 19.
Kinuhanan na rin ng specimens ang mga ito upang isailalim sa testing.
Samantala, muling ipinaalala ni Rosal ang mga abiso sa kababayan upang makaiwas sa pagkahawa ng virus kagaya ng proper hygiene, social distancing at pag-iwas sa mga aktibidad na patungo sa labas ng rehiyon.
Pinag-aaralan rin ang sitwasyon kung makikiusap sa mga may kamag-anak na nasa Maynila o sa ilan pang lugar na may COVID-positive cases na ipagpaliban na muna ang nakatakdang pag-uwi sa lalawigan para sa Mahal na Araw.
Handa naman ang alkalde sa pagbaba ng mga dagdag na direktiba sa mga nasasakupan lalo pa’t idineklara nang pandemic ng World Health Organization (WHO) ang virus.