-- Advertisements --

Iniulat ng Philippine National Police na may ilang miyembro ng kapulisan at kasundaluhan ang nasangkot sa illegal discharge of firearms na insidente na naitala ng Pambansang Pulisya ilang araw bago matapos ang holiday season.

Batay sa inilabas na datos ng PNP, mayroong pitong insidente ng illegal discharge of firearms ang kanilang naitala mula noong Disyembre 16 hanggang Disyembre 27, 2023 kung saan dalawa dito ang pawang mga pulis, at dalawa rin ang miyembro ng Armed Forces of the Philippines, habang ang natitira naman ay pawang mga sibilyan.

Ayon kay PNP Public Information Office Chief PCol Jean Fajardo, ang lahat ng mga ito ay kasalukuyan nang nasa kustodiya ngayon ng mga otoridad at pawang nasampahan na rin aniya ng mga kaukulang kaso sa prosecutor’s office.

Habang sa panig naman ng PNP, bukod sa mga kasong kriminal ay inihahanda na nito ang mga kasong administratibo laban sa mga pulis na sangkot sa illegal discharge of firearms.

Samantala, sa ngayon ay iniulat din ng kapulisan na wala pa naman itong naitatalang mga biktima ng ligaw na bala.

Kung maaalala una nang sinabi ni PNP Chief PGen Benjamin Acorda Jr. na sa kabila ng mga insidenteng ito na nasasangkot ang ilang miyembro ng kapulisan ay walang magbabago sa ipinag-utos nito na hindi pagseselyo sa mga baril ng mga pulis ngayong holiday season.

Gayunpaman ay muli itong nagbigay ng direktiba sa lahat ng miyembro ng buong hanay ng kapulisan na iwasan at huwag na huwag masasangkot sa ganitong uri ng insidente bilang pagpapakita na pagiging propesyonal sa kanilang mga sinumpaang tungkulin sa ating bansa at sa taumbayan.