On the spot na naaktuhan ang dalawang magkalaguyong pulis na nagtatalik sa loob ng isang sasakyan na naka-park sa isang mall parking lot sa Laguna.
Ito ay matapos silang puntahan ng kanilang mga asawa na kapwa mga pulis din sa isang mall nang makatanggap ang mga ito ng impormasyon hinggil sa kinaroroonan ng mga ito.
Sa kanilang pagdating sa lugar, bandang alas-10:00am ay nakita nila sa parking lot ang sasakyan ng isa sa mga pulis kung saan nabisto nila ang dalawang magkalaguyo sa loob nito na may ginagawang kababalaghan.
Nang komprontahin ay tinangka pang tumakas ng dalawa, kung saan muntik pa nilang sagasaan ang kanilang mga asawa dala ang naturang sasakyan.
Agad na binaril ng lalaking pulis ang gulong ng naturang sasakyan, habang nabaril naman ng babaeng pulis sa balikat ang kaniyang asawa na tumalon mula sa naturang sasakyan dahil sa pagtatangka rin nitong tumakas.
Tuluyang nakatakas ang babaeng pulis na kalaguyo habang ang lalaking pulis na kalaguyo nito ay isinugod naman sa ospital dahil sa tinamong tama ng bala ng baril.
Samantala, sa ngayon ay patuloy na pinaghahanap ng mga otoridad ang babaeng pulis na kalaguyo na namataan namang patungo sa direksyon ng Batangas.
Dahil dito ay mahaharap sa mga kasong may kaugnayan sa adultery at concubinage ang dalawang magkalaguyong pulis.
Sa ngayon ay hinihingi pa rin ng Bombo Radyo Philippines sa Police Regional Office – Calabarzon ang dagdag na mga detalye ukol dito at ang mga sunod na hakbang na kanilang posibleng ikasa.