CENTRAL MINDANAO – Nagsasagawa umano ng surveillance operation ang dalawang pulis na nasawi sa barilan sa probinsya ng Cotabato.
Nakilala ang mga binawian ng buhay na sina Police Chief Master Sergeant (PCMS) Fletcherlyn Dominic Pido at Police Staff Sergeant (PSSG) Arman Bada.
Nasawi rin ang magkapatid na sina John Kevin Papna, 26, at Jerson Rey Papna, 35, mga negosyante at residente ng Purok 1, Barangay Bialong, M’lang, Cotabato.
Ayon sa ulat ng North Cotabato PNP, nagsagawa ng surveillance operation ang dalawang pulis laban kay Jerson Rey Papna na may warrant of arrest sa kasong murder.
Una umanong pinaputukan ng magkapatid ang dalawang pulis na aaresto sana sa kanila at natunugan ang kanilang pakay kaya nangyari ang barilan.
Ngunit sa bersyon ng mga kapitbahay at mga kamag-anak ng magkapatid ay biglang dumating ang riding in tandem suspects sa kanilang lugar.
Una umanong binaril nang angkas ng motorsiklo si John Kevin Papna na nagkakatay ng kambing para sa kanilang kambingan restaurant at tinamaan sa ulo at likod.
Nang makita ito ni Jerson na nasa loob ng kanilang kusina ay binaril kaagad ang angkas ng motorsiklo.
Agad itong nag-manuever sa likod ng kanilang bahay at nakipagbarilan sa driver ng motorsiklo.
Kapwa patay ang magkapatid at huli na nang malaman na pulis pala ang dalawa sa mga nasawi sa nakuhang ID sa kanilang pitaka.
Nilinaw ng North Cotabato PNP na unang pinaputukan ng magkapatid ang kanilang mga tauhan kaya nangyari ang shootout.
Samantala, hustisya ngayon ang sigaw ng pamilya ng magkapatid na Papna at hiniling nito sa National Bureau of Investigation (NBI) at Commission on Human Rights (CHR) na mag-imbestiga sa naturang pangyayari.
Sa ngayon ay nagpapatuloy ang imbestigasyon ng M’lang Municipal Police Station sa nangyaring barilan.