-- Advertisements --

TACLOBAN CITY – Patuloy ang imbestigasyon ng mga otoridad sa Northern Samar laban sa dalawang pulis na pinaniniwalaang suspek sa brutal na pagpatay sa isang babae.

Una nito, Mayo 22 kasalukuyang taon, nang makita ang bangkay ni Ellen Joy De Guia, 26-anyos na call center agent, sa isang drainage canal sa Barangay Salhag, Rosario Northern Samar.

Una na itong pinaniwalaang hinalay dahil nasa bandang tuhod nito ang kanyang underwear at shorts nang matapuan.

Ayon kay Pol. S/Sgt. Paul Lazaro, investigator ng Rosario Municipal Police Station, inihahanda nila ang kasong murder laban kina Patrolmen Joker Dapulag at Joemil Bantayan kung mapatunayang sila ang nasa likod ng pagpatay sa biktima.

Sa inisyal na imbestigasyon, nabatid na si Dapulag at ang biktimang si De Guia ay magkarelasyon at sila raw ang huling magkasama ilang oras bago makita ang bangkay ng biktima.

Nakuha ring mabuksan ng kapatid ni De Guia ang social media account nito at doon nadiskubre na nagkaroon ng alitan ang biktima at si Dapulag dahil sa pinaniniwalaang “third party” sa panig ng pulis.

Lumabas din sa imbestigasyon ng kapulisan na tugma ang bakas ng dugo na nakita sa sasakyan ni Dapulag, sa dugo na galing naman sa call center agent.

Ito diumano ay malakas na ebidensya upang mapatunayang nasa sasakyan ng suspek ang biktima nang patayin ito.

Samantala, negatibo ang lumabas na resulta sa laboratory test ng seminal sample na nakuha sa pribadong parte ng katawan ng biktima kaya idinismiss na ng pulisya ang anggulong rape.

Pinaniwalaan namang kasabwat ni Dapulag ang isa pang pulis na si Bantayan dahil magkasama ang mga ito nang mangyari ang insidente.

Nakita rin ng mga pulis sa sasakyan ng supsek ang isang money remittance receipt na pagpapatunay na nagpadala si Dapulag ng pera kay Bantayan.

Sa kabilang dako, naghain din ng complaint for obstruction of justice ang mga otoridad laban sa isang sibilyan na si David Loberiano.

Tinangka raw kasi nitong i-mislead ang imbestigasyon sa kaso sa pamamagitan ng pag-post nito sa social media na isang nagngangalang “Junjun Loberiano” ang totoong murderer ni Ellen Joy na sa kalaunan ay nadiskubrehang gawa-gawa lamang ang pangalan.

Sa ngayon ay nananatili sa kustodiya ng Personnel Administrative Unit of the Northern Samar Provincial Police Office sina Dapulag at Bantayan habang patuloy ang imbestigasyon.