-- Advertisements --
BARMM

Mariing kinondena ng PNP-BARMM (Philippine National Police-Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao) ang pag-atake ng Abu Sayyaf Group (ASG) sa himpilan ng pulisya sa Parang.

Una rito, patay ang dalawang miyembro ng PNP matapos paulanan ng bala ng ASG ang Parang Municipal Police Station bandang alas-6:30 kagabi.

Kinilala ni PNP-BARMM spokesperson P/Capt. Jemar Delos Santos ang dalawang nasawing pulis na sina Pat. Arjun Putalan at P/Cpl Mudar Salamat.

Malaban sa mga namatay, dalawa ang sugatan na sina PEMS Hamid Saribbon at PSMS Harold Nieva na kasalukuyang ginagamot sa ospital.

Ayon kay Delos Santos, nakapag-retaliate pa ang mga pulis sa mga kalaban at agad nakapagresponde ang Sulu Police Provincial Office, Special Action Force at militar.

Umigting pa ang ilang minutong labanan bago tumakas ang mga armadong kalaban.

Sa ngayon nagpapatuloy ang hot pursuit operations laban sa mga hinihinalaang miyembro ng teroristang ASG.

Dahil sa insidente, agad na ipinag-utos ni BARMM regional police director B/Gen. Emmanuel Abu na palakasin pa ang seguridad sa mga police station para maiwasan ang anumang planong pag-atake.

Dagdag pa ni Delos Santos, ongoing ang imbestigasyon hinggil sa insidente at kanilang sisiguraduhin na mabibigyan ng hustisya ang pagkamatay ng dalawang pulis.