KORONADAL CITY – Agad na bumuo ng Special Investigation Task Group ang Police Regional Office ng Bangsamoro Autonomous Region (PRO-BAR) matapos ang nangyaring pananambang sa kapulisan sa bahagi ng Shariff Aguak, Maguindanao kung saan dalawa ang nasawi at 4 naman ang nasugatan.
Ito ang inihayag ni Police Major Haron Macabanding, hepe ng Shariff Aguak PNP sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal.
Kinilala ng opisyal ang mga nasawi na sina Patrolman Saipoden Macacuna at Patrolman Dalao Polayagan ka kapwa kasapi ng 1st Platoon 2nd Police Mobile Force Company ng Maguindanao del Sur Police Provincial Office. Samantalang ang mga sugatan ay sina Police Chief Master Sgt. Rey Vincent B Gertos, PSSg Benjie R Delos Reyes, Patrolman Abdulgafor H Alib at Patrolman Arjie Val Loie Pabinguit.
Ayon kay Police Major Macabanding, pabalik na sa provincial headquarters sa Camp Datu Akilan ang isang team ng Provincial Mobile Force Company mula sa pagpapatrol sakay ng PNP vehicle nang tambangan ng mga hindi pa tukoy na mga armadong kalalakihan.
Agad naman na rumesponde ang tropa ng Maguindanao Del Sur Police Provincial Office kaya’t naisugod sa ospital ang mga sugatang pulis.
Tumakas naman ang mga armado matapos gawin ang pananambang.
Sa ngayon nagpapatuloy ang hot pursuit operation laban sa mga suspek at inaalam pa ang motibo sa pananambang gayundin ang identity ng mga armado.
Samantala, itinaas na ng mga otoridad ang alerto sa buong South Central Mindanao matapos ang nangyaring pananambang.