-- Advertisements --
245237047 888869981822177 2048985522578166162 n

NAGA CITY – Patay ang dalawang pulis ng Naga City Police Office (NCPO) matapos pagbabarilin ng isang lalaki sa nasabing lungsod.

Kinilala ang mga biktima na sina Police Master Sgt. Romeo Padua ng Police Station 1 at Police Cpl. Christian Juarez Del Valle ng Police Station 5.

Sa naging pagharap ni Police Col. Marlon Catan, City Director ng NCPO sa mga kagawad ng media, sinabi nitong habang pauwi na si Padua sa kanilang bahay mula sa duty nang madaanan ito ng suspek na kinilalang si Jerico Cano, 33-anyos, residente ng Sabang, Naga City at dito na ito pinagpapapalo sa ulo gamit ang dalang tubo na naging dahilan para mawalan ng malay ang biktima.

Pagkatapos nito ay agad na kinuha ng suspek ang baril ni Padua at ito rin ang ginamit nito sa pambabaril sa biktima.

Aniya, pagkatapos nito ay naglakad pa ang suspek na tila walang nangyari at nang madaanan naman nito si Del Valle sa bahagi ng Brgy, Tabuco sa nasabing lungsod ay pinaputukan pa ito sa ulo.

Ayon pa sa opisyal, nakauwi pa ng kanilang bahay ang suspek at dito na ito inabutan ng mga rumespondeng pulis.

Ngunit sa kalagitnaan ng hot pursuit operation ay nakipagpalitan pa ng putok sa mga otoridad si Cano na nagresulta rin ng pagkamatay nito.

Sinabi pa ni Catan na pawang lulong sa droga ang naturang suspek.

Ang suspek ay nasa drug watchlist ng barangay at labas-pasok na rin umano sa kulungan dahil sa iba’t ibang kaso kasama na ang pagkakasangkot sa iligal na droga.

Sa ngayon, nagpapatuloy pa rin ang imbestigasyon ng mga otoridad hinggil sa naturang insidente.