NAGA CITY – Patay ang dalawang miyembro ng Philippine National Police (PNP) sa naitalang dalawang magkasunod na engkwentro sa Camarines Sur kaninang umaga.
Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga nabatid na pasado alas-5:00 kaninang umaga nang makasagupa ng Camarines Sur Provincial Mobile Force Company ang tinatayang na sa 18 miyembro ng mga rebeldeng New People’s Army sa Barangay Payak, Bato, Camarines Sur.
Tumagal ng halos 20 minuto ang palitan ng putok kung saan tinamaan ang dalawang pulis na naging dahilan ng kanilang kamatayan.
Samantala, isang engkwentro din sa pagitan ng tropa ng pamahalaan at mga NPA ang naitala rin sa La Medalla, Tinambac, Camarines Sur.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Maj. Ricky Anthony Aguilar, chief ng Division of Public Affairs Office (DPAO) ng 9th Infantry Division, Philippine Army, sinabi nitong tumagal ng limang minuto ang palitan ng putok ng magkabilang panig.
Narekober sa lugar ang dalawang M16 rifles habang wala naman aniyang naitalang casualty sa magkabilang panig.
Sa ngayon, nagpapatuloy pa ang clearing operation ng mga otoridad sa naturang mga lugar.