-- Advertisements --

Patuloy pa na ginagamot sa ospital ang dalawang pulis na nasugatan sa nangyaring armed encounter laban sa pinaniniwalaang myembro ng Communist-Terrorist Group sa Sitio Gahit, Barangay Aningalan, San Remigio, Antique.

Ang mga sugatan ay sina Police Corporal Jomer Yamuyan at Patrolman Danmer Dela Cruz, pawang myembero ng 1st Antique Mobile Force Company.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Police Regional Office VI director Police Brigadier General Leo Francisco, sinabi nito na nag-responde ang 1st Antique Mobile Force Company at San Remigio Municipal Police Station sa report na natanggap na may nagva-vandal na rebelde sa Greenhouse sa nasabing barangay.

Ang greenhouse ay isang government-owned vegetable plantation.

Ayon pa kay Francisco, nang dumating ang kapulisan sa lugar, agad na nangyari ang encounter laban sa tinatayang 16 na kasapi ng rebelde na may mga bitbit na long firearms.

Ang pangyayari ay lubos namang kinondena ng Regional Task Force to End Local Communist Armed Conflict sa Western Visayas.