-- Advertisements --

DAVAO CITY – Dismayado at nabigla ang Police Regional Office 11 sa nangyaring robbery na kinasangkutan ng dalawa nitong miyembro na nakadestino sa Davao City Police Office.

Napag-alaman na robbery with force and intimidation; at paglabag sa RA 10591 o Comprehensive Firearm and Ammunition Regulation Act ang ginawa ng dalawang miyembro ng pulisya na kinilalang sina P/Chief Master Sgt. Reynante Medina ng Foot Patrol and Bike Unit at P/Master Sgt. Christopher Ararao ng Bunawan Police Office.

Nabatid na inaresto ng mga pulis ng General Santos City Police Office ang mga suspek matapos nilang pasukin ang bahay ng isang negosyanteng kinilalang si Jacky Faeldin, 37-anyos at residente ng Purok Ondok Gawan sa Barangay San Jose sa General Santos City at kinuha ang mga personal na gamit gayundin ang mga cellphone at cash na nagkakahalaga ng P165,000.

Mahigpit ang paninidigan ng PRO XI na hindi nito kukunsintihin ang mga tauhan ng ahensiya na sangkot sa anumang gawain ng acts of lawlessness o krimen.

Nangako ang opisina na magiging patas at tapat ang imbestigasyon.

Sa kabilang banda, ipinag-utos ni PBGEN BENJAMIN H SILO, JR, Regional Director ng PRO 11 na i-relieve ang mga nasangkot na tauhan kasama na ang kanilang mga immediate supervisor at commanders.

Samantala, kasalukyan ng inaayos ang kasong administratibo na isasampa laban sa mga nabanggit.