ILOILO CITY- Nahaharap sa kasong frustrated murder ang apat na persona kabilang na ang dalawang pulis kaugnay sa tangkang pagpatay sa dating inmate sa Barangay Calaboa, Leganes, Iloilo.
Ang biktima ay si Glen Paloma, 39, na nagtamo ng anim na tama ng baril at nakagapos pa.
Ang mga pulis naman na sinampahan ng kaso ay sina Police Staff Sergeant Enrico Gonzales at Police Executive Master Jessie Rubio, naka-assign sa tracker team ng Intelligence Unit sa Iloilo City Police Office ngunit sa huli ay ni-relieve.
Maliban sa mga ito, nahaharap rin sa kaparehong kaso sina John Ian Leda ng Arevalo, Iloilo City, may-ari ng Abe’s Payag Seafood Restaurant at Ricky Giluani, ng San Remegio, Antique at security guard sa nasabing kainan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Police Captain John Robles, hepe ng Leganes Municipal Police Station, sinabi nito na nakitaan ng probable cause ng Iloilo Provincial Prosecutors Office ang testimoniya ni Paloma.
Ayon kay Robles, nagtugma ang statement ni Paloma sa pahayag ng mga witness sa krimen.
Napag-alaman na nag-ugat ang krimen, matapos napagkamalang magnanakaw ang biktima matapos namataan ito na huminto sa harap ng kainan na pagmamay-ari ni Leda ng masira ang sinasakyan nitong bisekleta.
Dito na at sinaktan ito ng gwardya.
Matapos nito, ginulpi si Paloma ng dalawang mga pulis at binaril, ginapos, nilagyan ng piring ang mga mata at binusalan ang bibig.
Iniwan naman nila ang biktima sa palayan sa pag-aakalang patay na ito.
Ngunit nagkamalay ito at ng dinala sa ospital, positibo nitong kinilala ang mga pulis at iba pang indibidwal na nagtangkay pumatay sa kanya.