ILOILO CITY – Sugatan ang dalawang pulis ng Carles Municipal Police Station sa lalawigan ng Iloilo matapos sinaksak at tinaga ng wanted person na kanilang sinilbihan ng warrant of arrest.
Ang mga biktima ay sina Police Staff Sergeant Michael Ilanga at Police Corporal Godfrey Punsalan.
Nagtungo ang mga pulis sa bahay ng suspect ng warrant of arrest na may kasong Oral Defamation at Threats na si Rogelio Pancho sa Brgy. Cabilao Grande, Carles, Iloilo.
Pagdating ng mga ito sa bahay ng subject, bigla na lang umanong sinaksak ni Pancho si Ilanga na tinamaan sa dalawang binti.
Tumakbo at nagtago si Pancho sa kanyang bahay at nang makumbinse na sumuko, bigla nitong tinaga si Punsalan na tinamaan naman sa kamay na nagresulta sa pagkaputol ng isang daliri nito.
Kaagad namang nakontrol ng otoridad si Pancho.
Detained na ngayon si Pancho sa Carles Municipal Police Station at nahaharap sa dagdag na kasong resisting arrest at direct assault upon agents of person in authority.
Sa imbestigasyon, lumalabas na dumadanas ang suspect ng emotional stress kasunod ng pagkamatay ng kaniyang asawa.