NAGA CITY – Sugatan ang limang katao na kinabibilangan ng dalawang pulis at tatlong pinaniniwalaang miyembro ng New People’s Army (NPA) matapos magkasagupa ang dalawang panig sa bayan ng Lucban, Quezon.
Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga mula sa Lucban-PNP, nabatid na nagsasagawa ng combat operation ang dalawang grupo ng kapulisan na pinangungunahan ni PO3 Danilo Arcilla at PO3 Richard Galixtro sa may boundary ng Barangay Calangay at Mahabang Parang sa nasabing bayan nang makasalubong ang tinatayang aabot sa 30 armadong kalalakihan na pinaniniwalaang mga NPA.
Nagtagal ng halos 20 minuto ang palitan ng putok ng magkabilang panig kung saan nasugatan si PO2 Aldrin Leonida habang pinaniniwalaang tatlong rebelde naman ang nasugatan sa nasabing engkwentro.
Samantala, agad naman na rumesponde ang isa pang team na pinangunahan ni SPO1 Randy Perez sa encounter site ngunit pinaulanan ang mga ito ng bala ng hindi pa malamang bilang ng mga rebelde na naging dahilan para gumanti ang mga kapulisan na tumagal ng halos 30 segundong palitan ng putok.
Tinamaan sa nasabing insidente si PO1 Bong Ann Tohimor na agad naman na naitakbo sa ospital.
Sa ngayon, nagpapatuloy parin ang clearing operation ng mga otoridad sa lugar katulong ang Philippine Army para matukoy ang nasabing mga rebelde na agad na tumakas matapos ang insidente.