LEGAZPI CITY — Nananatili pa sa pagamutan ang dalawang tauhan ng Sorsogon City Police matapos na mabangga ang sinasakyang mobile patrol ng isang dropside truck sa Crossing Baribag, Barangay Bibincahan ng lungsod.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay P/Lt. Col. Jefferson Araojo, hepe ng Sorsogon City-Philippine National Police, nangyari ito nang patungo na ang mobile patrol sa Sorsogon proper.
Nasalpok ng truck ang driver side o kaliwang bahagi ng sasakyan, naitulak ito patungo sa tabi at tumagilid pa.
Maging ang truck ay tumagilid din at humarang sa isang linya ng kalsada.
Nagresulta ito sa pagkakasugat ng driver ng mobile patrol na si Police Corporal Larry Ranara, 30, na nagtamo ng sugat sa leeg at batok; Patrolman Manuel Bongat, 29, na may sugat sa kanang binti at may galos naman sa paa si Patrolman Ryan Madre, 30.
Nabatid na tinahi pa ang noo ni Bongat matapos na tumilapon sa damuhan.
Samantala, nagtamo ng minor injuries ang truck driver na si Dante Pelantic, 56 ng Ligao City, at pahinanteng si Elmer Nuas Papica, 55 ng Pio Duran, Albay.
Ayon kay Araojo, posibleng mabilis ang takbo ng truck na laman ang 49 banyerang galunggong at inaantok ang drayber kaya hindi nakapagpreno.
Nanghinayang rdin ang hepe dahil bago ang mobile, subalit pasalamat pa rin na minor injuries lang ang tinamo ng personnel.
Sa ngayon, naisampa na sa piskalya ang kaso laban kay pelantic na reckless imprudence resulting to multiple physical injuries and damage to property.