CENTRAL MINDANAO-Nagpaabot ng kanilang taos-pusong pasasalamat sa national government at sa City Government of Kidapawan ang mga mamamayan ng dalawang purok sa Barangay Singao ng lungsod, matapos ang groundbreaking ng mahigit sa P14 Million na Farm-to-Market Road na pinondohan ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict o ELCAC.
Layon ng proyekto na maisaayos ang bahagi ng daang nag-uugnay partikular sa mga purok ng Macopa at Papaya ng Barangay Singao patungo sa Purok San Vicente ng katabing barangay ng
Balindog Kidapawan City.
Pinasalamatan ng mga residente si City Mayor Joseph Evangelista sa mabilis at mahusay na koordinasyon into sa national government sa pamamagitan ng ELCAC na nagbigay daan sa paglutas sa matagal na nilang suliranin sa hindi maayos na daan.
May habang 1.095 kilometro ang concreting ng naturang Farm- to – Market Road, ayon sa City Planning and Development Office o CPDO.
Sinabi pa ng mga residente na bagamat sa una ay naging hamon para sa kanila ang presensya ng mga komunistang grupo sa kanilang lugar, sa pamamagitan ng ELCAC ay nagkakaroon na ng pagkakataon na umunlad ang pamumuhay ng marami sa kanila at mas napapabilis na ang pagbibigay serbisyo ng pamahalaan sa pamamagitan ng maayos na daan.
Isa lamang ang nabanggit na Farm-to-Market Road sa kabuuang P140 Million na mga proyekto na ipatutupad sa Lungsod ng Kidapawan sa ilalim ng ELCAC para sa taong 2021 at 2022.
Kinapapalooban ito ng 44 na mga infrastructure and agricultural development, cash for work, health services, financial assistance for indigent families, electrification, water system, at livelihood program ang Php140 Million na pondo ng ELCAC para sa Lungsod ng Kidapawan.
Nagmula ang pondo sa Fiscal Year 2021 Local Government Support Fund – Support to Barangay Development Program.
Isinagawa ang Groundbreaking Ceremony umaga ng January 5, 2022 sa Purok Macopa ng Barangay Singao Kidapawan City.
Panauhing pandangal ng okasyon si DILG XII Regional Director Josephine Leysa, DILG Cotabato Director Ali Abdullah, CLGOO Julia Judith Geveso, at mga opisyal ng Philippine Army, Philippine National Police at ng DILG.