-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Patay ang dalawa kataong pinaniniwalaang kasapi ng New People’s Army (NPA) sa nangyaring sagupaan sa pagitan ng tropa ng pamahalaan kaninang madaling araw sa Barangay Buri, Mandaon, Masbate.

Ayon kay Col. Paul Regencia, tagapagsalita ng 9th Infantry Division ng Philippine Army sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, nagsasagawa ng monitoring ang kasundaluhan sa nasabing lalawigan upang ma-identify ang mga lugar na maaaring mapabilang sa election hot spots nang makasalubong ang tinatayang nasa pitong rebelde.

Tumagal ng halos limang minuto ang palitan ng putok bago tumakas ang mga suspek.

Maliban sa dalawang namatay,narekober din sa pinangyarihan ng engkuwentro ang M16 assault riffle, caliber .45 pistol, at ilang mga personal na kagamitan ng NPA.

Sa kasalukuyan ay nagpapatuloy ang pursuit operation ng mga otoridad laban sa mga nakatakas na terorista dahil may traces umano na hindi lamang ang naturang grupo ang kumikilos sa naturang bayan.

Samantala, siniguro ni Regencia na nananatiling nakaalerto ang mga militar sa mga posibilidad na muling paghahatid ng kagulugan ng local communist terrorists sa Bicol.