BUTUAN CITY – Dalawang mga rebeldeng komunista ang patay at tatlong mga high-powered firearms ang narekober matapos ang engkwentro sa pagitan ng kasundaluhan sa bayan ng Las Nieves, lalawigan ng Agusan del Norte nitong nakalipas na gabi.
Napag-alamang nagpatrolya ang mga sundalo nang kanilang maka-engkwentro ang tinatayang 15 mga pinaghihinalaang gerilya ng New People’s Army (NPA) sa Brgy. Consorcia ng nasabing bayan.
Kinilala ni 402nd Infantry Brigade commander BGen. Adonis Ariel Orio, ang mga napatay na sina Rey Torregosa at Juliven Badbaran, dating commanding officer ng Sub-Regional Committee (SRC) 3 ng Northern Central Mindanao Regional Command ng NPA.
Narekober ang bangkay ng dalawa sa encounter site kasama ang dalawang mga assault rifles, isang anti-personnel mine, mga bala, mga magazines at mga personal na gamit habang walang naitalang casualty sa panig ng kasundaluhan.
Bago umano ang engkwentro ay ipinagbigay-alam na sa mga nagpapatrolyang sundalo ang presensya ng armadong grupo sa naturang lugar.
Kaugnay nito’t muling tinatawagan ng militar ang mga komunistang rebelde na sumuko na upang muli silang mamuhay ng mapayapa.